
Pinas-Lang
Noon, ang bansag nila sa aki’y Pilipinas.
Binubuo ng mga mga pusong patuloy na nag-aalab,
Tibay ng loob ay walang sinumang makatutumbas,
Handang ialay ang buhay upang sa hawla ng kalaba’y makaalpas.
Pinaglaban ang natatanging Lupang Sinilangan,
Nakamit ang tagumpay ng kasarinlan at kalayaan,
Nagbunga ang ilang taong pakikipaglaban,
Napaalis ang mga dayuhan, naging atin ang ating bayan.
Sa paglipas ng panahon, matapos ang ilang mga dekada,
Ako ngayon ay nakilala bilang “Pinas”.
Sinamantala ng iba ang pagiging malaya,
Binulag ang ilan sa kanilang mga pandaraya.
Hindi ka bingi upang hindi maringgan,
Libre nang pumuslit ng salapi mula sa kaban ng bayan,
Maari nang umapak ng iba gamit ang kapangyarihan,
At ayos lang pumatay at pumutol ng pangarap ng ilan.
Kaya ngayon ako’y ‘Pinas na lang. Nilapastangan. Pinaslang. Oo! Ako’y pinaslang!
Walang kalaban-laban, walang sanggalang,
Pula na ang nangibabaw sa dating matingkad na bughaw,
Puti ay naging itim, lumubog na ang araw.
Literal na nabulag na ang may hawak ng timbangan,
Hustisya’y maaari nang mabayaran lalo ng mga mayayaman,
Malas mo na lamang kung ika’y lugmok sa kahirapan,
Dahil rehas at libingan na lamang ang iyong pagpipilian.
Sa buhay kong ito’y tila normal na lamang kung malasin,
Kapag maalat sa diskarte, sa tanghali ang ulam ay tuyo at daing,
Kapeng aking almusal, madalas pang isabaw sa kanin,
Sa hapuna’y iisipin na lang na ako’y busog baka bukas ako’y papalarin.
Kakaputok pa lang ang araw, trapik na naman sa EDSA
Mahabang pila ng mga mukhang may kani-kanyang problema,
Kelan pa nga ba darating ang kamay na sa ami’y mag-aahon?
Kung kakamayan lang kami at bibitawan pagkatapos ng eleksyon?
Sa galit, itong puso ko’y unti–unting namanhid,
Mga hinaning ng damdaming isinisigaw nang palihim,
Ngunit aking batid, na sa pagdaan ng panahon
Ang mga galos ko at sugat ay unti-unti ring maghihilom.
Sa kabila ng madilim na kabanata ng kasaysayan,
Ay akin ngang napagtanto at natutunan,
Na wala ito sa baba ng pagkadapa, kundi nasa taas ng pag-ahon,
Dahil pinagpala ang bayang ang Dios ay ang Panginoon.
